MANILA, Philippines — Aminado si Ginebra coach Tim Cone na malaki ang tsansa ng Magnolia na masilat ang hari at paboritong San Miguel sa Game Seven ng kanilang title series.
Ito ay matapos patunayang may kakayahan silang makipagsabayan sa Beermen na nahila nila sa ‘winner-take-all’ game sa kabila ng pagiging underdog.
“Magnolia has a good chance,” ani Cone na dating mentor ng Purefoods franchise at kinikilalang ‘greatest coach of all time’ hawak ang 21 PBA championships.”
“The Hotshots have shown great resilience in this series. They have the resilience to bounce back as they have done in this ping-pong, back-and-forth series. Magnolia has a great shot.”
Wala pang nakapuwersa ng Game Seven kontra sa Beermen simula noong 2016 kung saan nabura ng koponan ang 0-3 pagkakaiwan kontra sa Alaska para sa makasaysayang ‘Beeracle’.
Iyon ang dahilan kaya’t ang pressure ay nasa SMB ngayon, dagdag ni Cone.
“The pressure is on SMB. They’re expected to win,” ani Cone.
Subalit hindi magiging madali iyon, ayon kay Cone, lalo’t subok na Beermen ang haharang sa daan ng Hotshots para sa misyong makopo ang ikalimang sunod na All-Filipino conference championship.
“They’re used to it. They’re very experienced,” sabi ni Cone lalo’t may masasandalang subok na champion core ang SMB sa pamumuno nina five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter kasama sina Terrence Romeo at Christian Standhardinger.
Sa dulo, mauuwi ang duwelo sa kung sino ang may ‘poise’ ayon kay Cone.