MANILA, Philippines — Maging ang eleksyon kahapon ay hindi nakapigil sa paghahanda ng San Miguel at Magnolia para sa Game Seven ng kanilang 2019 PBA Philippine Cup Finals bukas.
Ito ay matapos magsanay ang Beermen at Hotshots sa kalagitnaan ng ginanap na mid-term elections sa buong bansa.
Upang malabanse ang kanilang responsibilidad sa propesyon, karera at sa bayan, magkaibang atake naman ang ginawa ng dalawang koponan.
Ang mga players ng San Miguel ay bumoto muna sa kani-kanilang mga lugar sa umaga bago sumalang sa ensayo sa Acropolis Gym sa Quezon City kinahapunan.
“Nag-practice pa rin kami. Pagkaboto namin, diretso na kami sa practice,” ani Beermen head coach Leo Austria na bagama’t tubong Quezon Province ay botante sa Quezon City.
Ayon kay Austria, walang panahon ang kanyang koponan para magpahinga lalo’t huling laro ng serye bukas na siyang makakapagsabi kung makukubra nila ang makasaysayang ika-limang sunod na All-Filipino Cup title.
“Ayaw naming magkahiwa-hiwalay muna. Tapusin na natin ito hanggang Wednesday. I think with this win, the momentum is on our side. We hope na ma-sustain namin itong panalo namin,” pagtatapos ni Austria.
Ang Hotshots naman sa kabilang banda, ay nagsanay muna sa umaga sa Ronac Gym sa San Juan City bago umuwi sa kani-kanilang lugar upang bumoto sa hapon.
“Kailangan naming mag-practice bago kami bumoto,” ani Magnolia coach Chito Victolero.
Hawak ang 3-2 baraha, tsansa na sana ng Hotshots na tapusin ang serye subalit nadale sila ng 98-86 panalo ng Beermen sa Game Six upang mapuwers sa Game Seven ang dwelo.
“It boils down to one game. Do-or-die game on Wednesday. We’re still positive,” wika ni Victolero.