Beermen pumuwersa ng game seven
MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang San Miguel na basta-basta na lamang isuko ang kanilang korona.
Pinuwersa ng Beermen ang Magnolia Hotshots sa ‘do-or-die’ game matapos kunin ang 98-86 panalo sa Game Six ng 2019 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bumawi ang San Miguel mula sa 86-88 kabiguan sa Game Five para itabla sa 3-3 ang kanilang best-of-seven championship series ng Magnolia at plantsahin ang Game Seven sa Miyerkules sa Big Dome.
Hangad ng Beermen ang kanilang pang-limang sunod na PBA All-Filipino Cup crown at ika-25 sa kabuuan.
“It was a team effort tonight and we know what’s at stake,” sabi ni Marcio Lassiter, nagtala ng 20 points, 7 rebounds at 3 assists. “We know it’s not over yet.”
Humakot naman si five-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 23 markers at 18 boards.
Naglista ang Beermen ng 19-point lead, 39-20, sa gitna ng second period hanggang makadikit ang Hotshots sa pagtatapos ng third quarter, 62-68.
Humataw naman ang San Miguel ng isang 22-7 atake para muling makalayo sa 90-69 kalamangan sa 5:06 minuto ng final canto mula sa three-point shot ni one-time PBA MVP Arwind Santos.
Ang three-point play ni five-time PBA MVP June mar Fajardo ang nagbaon sa Magnolia sa 71-93 sa huling 4:19 minuto ng bakbakan.
SAN MIGUEL 98 - Fajardo 23, Lassiter 20, Ross 17, Standhardinger 16, Romeo 9, Santos 8, Cabagnot 3, Rosser 0, Pessumal 0.
Magnolia 86 - Jalalon 17, Reavis 16, Sangalang 14, Brondial 12, Lee 10, Barroca 6, Dela Rosa 5, Herndon 5, Melton 4, Simon 0, Pascual 0.
Quarterscores: 25-12; 50-36; 68-62; 98-86.