MANILA, Philippines – Magtutuos ang Ateneo Lady Eagles at University of Santo Tomas Tigresses sa unang pagkakataon, habang magtatagpo rin ang NU Bulldogs at FEU Tamaraws sa best-of-three championship series ng Season 81 UAAP volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Haharapin ng top seed Lady Eagles ang second seed Tigresses sa Game One ngayong alas-4 ng hapon at sa men’s division ay asam ng Bulldogs ang ikalawang sunod na titulo kontra sa Tamaraws sa alas-12 ng tanghali.
Humawak ng ‘twice-to-beat’ advantage, nangailangan ang Lady Eagles ng dalawang laro sa semifinals bago napatalsik ang Lady Tamaraws.
Nakuha naman agad ng Tigresses ang unang Finals berth laban sa three-peat champions na La Salle Lady Spikers.
Sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro na malaking bentahe para sa Tigresses ang halos isang linggong pahinga bago ang kanilang pagtatagpo sa unang pagkakataon simula nang sumali ang Lady Eagles sa UAAP noong 1978.
Target ng tropa ni coach Almadro ang ikatlong women’s title simula noong 2015, habang hangad ng Tigresses ang pang-17 korona na huli nilang inangkin noong 2010.
Huli silang pumasok sa UAAP Finals noong 2011 ngunit nabigo sa La Salle.
“They are well-rested, so isa ‘yun sa kanilang advantage. Pero para naman sa mga players ko, hindi pa tapos ang misyon nila. Alam naman natin sa umpisa pa lang ‘yung firepower ng UST,” sabi ni Almadro, tatlong beses iginiya ang Ateneo Blue Eagles sa korona simula Season 77 hanggang Season 79.
Malakas din ang tiwala ng Lady Eagles laban sa Tigresses dahil dalawang beses nilang pinataob ang UST sa elimination round, 25-21, 25-18, 16-25, 25-22, noong Pebrero 20 at 19-25, 22-25, 27-25, 25-22, 15-11 noong Marso 20.