Top two asam ng Cignal-Ateneo

MANILA, Philippines — Makasiguro ng puwesto sa top two ang pakay ngayon ng Cignal-Ateneo sa huling salang nila kontra sa Che’Lu Bar and Grill sa eliminasyon ng 2019 PBA Developmental League sa JSCGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Sisiklab ang aksyon sa alas-3 ng hapon kung saan sasakay ang Blue Eagles sa limang sunod na tagumpay upang masikwat ang panalo na magbibigay sa kanila ng twice-to-beat incentives sa crossover quarterfinals.

Nasa tuktok ng Aspirants’ Group ngayon hawak ang 7-1 baraha, wala nang kawala ang top two spot sa Blue Eagles kahit pa magsipagpanalo ang iba nilang karibal kung sakaling makukumpleto nga ang misyong maipagpag ang Revellers.

Subalit hindi iyon ang iniisip ni head coach Tab Baldwin dahil gusto niyang ilaan lang muna ng kanyang bataan ang atensyon laban sa Che’Lu kahit pa pasok na sa playoffs at liyamado na sa twice-to-beat incentive.

“When you go through an offseason, your system should grow. We don’t do a lot of our system stuff in January through June, but little by little, we’re introducing a couple of different things that we may or may not use later on,” aniya.

Kagagaling lang ng Blue Eagles sa mada-ling 90-46 panalo kontra sa Batangas-EAC noong nakaraang Huwebes na siguradong dadagdag sa montibasyon nilang masikwat nang tuluyan ang quarterfinal bonus.

Inaasahang mamuno sa naturang misyon ng Katipunan-based squad si Ivorian slotman Ange Kouame kasama ang solidong core nina Isaac Go, Matt at  Mike Nieto gayundin si Thirdy Ra-vena na lahat ay bahagi ng back-to-back UAAP title run ng Ateneo.

Sa kabilang banda, mapanatiling buhay naman ang playoff chances ang hahangarin ng Che’Lu ngayon sa tangka nilang pagsilat sa paboritong Ateneo lalo’t delikado pa sila sa tangang 3-2 baraha.

Sasandal si head coach Stevenson Tiu kina Jeff Viernes, Jessi Collad, Sean Manganti at Rey Suerte na siguradong gutom na sasalang lalo’t kagagaling lang ng Re-vellers sa 92-101 kabiguan sa Go For Gold-CSB noong Abril 15.

Sa isang laro naman, nais din ng Ironcon - UST (4-1) na mapalakas ang twice-to-beat chances nito kontra sa kulelat na McDavid lalo’t galing sila sa 101-114 kabiguan noong Abril 11 kontra sa Petron-Letran.

Ang McDavid naman, sa kabilang banda ay nais makaganti sa kalunus-lunos nitong pagkatalo kontra sa Ateneo, 31-106 na siyang pangalawa sa pinakamalaking tambak sa kasaysayan ng D-League.

Show comments