Philadelphia vs Toronto kasado na
PHILADELPHIA — Kinalabog ni Ben Simmons ang kanyang dibdib matapos ang isang slam dunk, habang itinuro naman ni Joel Embiid ang overmatched defender niya makaraan ang sarili niyang dunk.
Ipinakita ng 76ers ang kanilang muscle mula sa opening tip hanggang sa huling segundo ng laro para sibakin ang Brooklyn Nets, 120-100 sa Game Five at tapusin ang Eastern Conference playoff series sa 4-1.
“If we want to close out this series, we have to do better,” sabi ni Philadelphia coach Brett Brown.
Sa second round ay lalabanan ng 76ers ang Toronto Raptors.
Humakot si Embiid ng 23 points at 13 rebounds habang may 13 markers si Simmons para sa Philadelphia.
Pinamunuan ni Rondae Hollis-Jefferson ang Brooklyn, nasa kanilang playoff series matapos noong 2015, mula sa kanyang 21 points.
Sa Toronto, umiskor si Kawhi Leonard ng 27 points kasunod ang 24 markers ni Pascal Siakam para pamunuan ang Raptors sa 115-96 pagpapatalsik sa Orlando Magic at isara ang kanilang first round series sa 4-1.
Pinangunahan naman ni D.J. Augustin ang Ma-gic mula sa kanyang 15 points habang may 12 at 11 markers sina Terrence Ross at Aaron Gordon, ayon sa pagkakasunod.
Sa Portland, isinalpak ni Damian Lillard ang isang 37-footer sa pagtunog ng final buzzer para banderahan ang Trail Blazers sa 118-115 pagsibak sa Oklahoma City Thunder at wakasan ang kanilang serye sa 4-1.
Tinapos ni Lillard ang laro na may career playoff-high 50 points para ihatid ang Portland sa second round.
Haharapin ng Trail Blazers ang mananalo sa first round series ng Denver Nuggets at San Antonio Spurs.
Binanderahan ni Russell Westbrook ang Thunder mula sa kanyang 29 points, 11 rebounds at 14 assists.
Sa Denver, nagsumite si Jamal Murray ng 23 points para pamunuan ang anim pang Nuggets na naglista ng double figures sa kanilang 108-90 pagdaig sa Spurs.
Inangkin ng Denver ang 3-2 bentahe sa kanilang serye ng San Antonio.
Humakot si Nikola Jokic ng 16 points, 11 rebounds at 8 assists para sa Nuggets, tinambakan ang Spurs ng 30 points, 99-69.
- Latest