MANILA, Philippines — Hindi kakayanin ng Rain or Shine na maisuko ang 2-1 bentahe matapos mabigong maibaon ang Magnolia sa ikatlo nilang pagtutuos.
“We still remain confident and we’re going to bounce back,” sabi ni coach Caloy Garcia matapos ang 74-85 pagyukod ng kanyang Elasto Painters laban sa Hotshots sa Game Three ng kanilang best-of-seven semifinals series.
Pipilitin ng Rain or Shine na maitarak ang mala-king 3-1 kalamangan sa serye sa pagsagupa sa Magnolia sa Game Four ngayong alas-7 ng gabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa nasabing panalo ng Hotshots laban sa Elasto Painters ay bumida si forward Ian Sangalang na humataw ng 12 points sa fourth quarter.
“Probably we should also find a way to limit Ian Sangalang,” wika ni Garcia sa 6-foot-7 power forward.
Sina two-time PBA MVP James Yap, Gabe Norwood, Beau Belga, Rey Nambatac at rookie Javee Mocon ang muling ipaparada ng Rain or Shine laban kina Sangalang, Paul Lee, Mark Barroca, Jio Jalalon at Rafi Reavies ng Magnolia.
Matapos ang nasabing panalo ay binigyan ni mentor Chito Victolero ng two-day break ang kanyang mga Hotshots noong Miyerkules at Huwebes bago nagbalik sa kanilang ensayo noong Biyernes para paghandaan ang Elasto Painters.
Ang depensa ang muling gagamitin ng Magnolia para makatabla sa Rain or Shine.
“It’s a very important game as we have a chance to tie the series. Our defense, effort and energy will be key factors,” sabi ni Victolero.
Inamin ni Garcia na kinapos sila sa final canto sa Game Three.
“We lost in the fourth quarter (in Game Three) because we lost steam. We’re outhustled especially on the boards,” ani Garcia.
Ngunit tiniyak niyang hindi na ito mauulit sa Game Four.