Talitha Koum matikas pa rin

MANILA, Philippines — Ipinakita ng Talitha Koum ang tikas nito sa banderahan upang sungkitin ang panalo sa “NPJAI - PCSO Cup Race” PHILRACOM - RBHS kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Parang sibat na lumabas ng aparato ang segunda liyamadong Talitha Koum para hawakan ang bandera pero kinapitan agad siya ng Señor Lucas at Affairtoremember habang nasa pang-apat na puwesto ang top favorite na Viva Morena.

Kahit pinapahirapan ng dalawang lumulutsa, nanatili sa unahan ang winning horse papasok ng far turn.

Dahil sa tulin ng karera ay halos hindi naman makausad sa likuran ang Viva Morena.

Sa rektahan ay tatlo na ang nagbabadyang umagaw ng unahan kay Talitha Koum at nakihalo na rin ang rumeremateng Sooner Time na nirendahan ni star jockey Jessie Guce.

Subalit naging matatag ang Talitha Koum, tinawid nito ang meta ng may isang kabayo ang agwat sa nasegundong Sooner Time.

“Matapang sa unahan si Talitha Koum kaya pinabayaan ko lang siyang tumakbo, sabi ko maiksi lang ang karera,” saad ni apprentice rider Noel Lunar.

Nirehistro ng Talitha Koum ang tiyempong 1:18.2 sa 1,300 meter race sapat upang sikwatin ang P150,000 na premyo sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission.

Kinabig ng Sooner Time ang P56, 250 habang nakopo ng Señor Lucas at Low Key ang P31, 250 at P12,500 matapos dumating na pangatlo at pang-apat ayon sa pagkakasunod.

Tumanggap naman ng tropeo ang winning horse owner, trainer at jockey mula sa PCSO.

Hindi natimbang ang Viva Morena kaya maganda ang naging dibidendo sa forecast, trifecta at quartet.

Nagbigay ng P63.00 sa kumbinasyon na Talitha Koum - Sooner Time, P174.00 sa trifecta at P360.60 sa quartet.

Samantala, nagwagi ang Brilliant Move sa “NPJAI - Hubert Leong Special Race” PHILRACOM - RBHS na pinakawalan sa pangalawang karera.

Sinakyan ni baguhang rider PM Cabalejo, nakopo ng Brilliant Move ang karagdagang P20,000 premyo habang P10,000 ang naibulsa ng winning horse owner.  

Show comments