MANILA, Philippines – Pinalakas ng Batang Gilas ang coaching staff nito para sa misyong maihanda nang todo ang koponan para sa nalalapit na 2019 FIBA U19 World Cup sa darating na Hunyo.
Ito ay matapos kunin ng kahihirang lamang na bagong coach na si Sandy Arespacochaga ang mga pinakamagagaling na high school at college basketball mentors ngayon upang maging bahagi ng kanyang coaching personnel.
Ito ay sina Goldwin Monteverde, Charles Tiu, Ryan Betia, JB Sison at Anton Altamirano na galing sa iba’t ibang top high school at collegiate basketball programs sa bansa.
Dating head coach ng Adamson at Chiang Kai Shek, nagsisilbi ngayong mentor si Monteverde ng Nazareth School of National University na ginaba-yan niya sa kabi-kabilang high school titles.
Kagagaling lang ni Monteverde at ng NU Bullpups sa kambal na titulo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) juniors division at National Basketball Training Center (NBTC) National Finals.
Sa pangangalaga din ni Monteverde galing ang ilang Batang Gilas standouts na sina Terrence Fortea, Gerry Abadiano at Carl Tamayo na inaasahan pa ring maging bahagi ng Phililppine youth team para sa World Cup upang makaagapay ang twin towers na sina Kai Sotto at AJ Edu.
Mayaman din sa coaching experience ang isa pang deputy na si Tiu na magugunitang bahagi ng pioneer at original Gilas Pilipinas program bilang deputy ni head coach Rajko Toroman.
Nagsilbi na ring head coach ng Mighty Sports, kasalukuyang mentor ng kampeon na Go For Gold si Tiu sa idinaraos na 2019 PBA Developmental League. Assistant coach din siya ngayon ni TY Tang sa College of St. Benilde sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).
Hindi rin naman pahuhuli si Betia na nagsilbing long-time assistant ni head coach Chot Reyes sa Gilas Pilipinas sa maraming FIBA Asia Championship stints at katatapos lamang na FIBA World Cup Asian Qualifiers. Kasalukuyang deputy ni Olsen Racela si Betia sa FEU sa UAAP seniors division.
Dati namang head coach ng San Beda Red Cubs si Sison na napagkampeon ang koponan noong 2016 NCAA juniors division habang si Altamirano ay nagsilbing assistant sa top UAAP collegiate teams na De La Salle Green Archers at NU Bulldogs.
Aatasan ni Arespacochaga sina Sison at Altamirano na gabayan ang U-17 age group ng Batang Gilas para sa nalalapit na FIBA Asia Championship.
Mangunguna sa paghahanda ng U19 team sina Ares-pacochaga, Betia, Tiu at Monteverde lalo’t nalalapit na ang FIBA U19 World Cup na magaganap mula 29 ng Hunyo hanggang 7 ng Hulyo sa Heraklion, Greece.