MANILA, Philippines — Walang makapigil sa nagdedepensang Petron nang pulbusin ang Sta. Lucia Realty, 25-17, 25-11, 25-18, para masungkit ang unang silya sa semifinal round ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Halimaw na naman sina American imports Katherin Bell at Stephanie Niemer para pamunuan ang ratsada ng Blaze Spikers na naikonekta ang ika-15 sunod na panalo.
Bumanat si Bell ng 19 points at naglista si Niemer ng 16 markers galing sa 14 attacks, 1 block at 1 ace.
“A win is a win and we like winning so it’s good, I don’t hink it was our cleanest match but we will take it. We got some stuff to work on to improve from this match. Our passing struggled a little bit, we’re more crisped that normally,” wika ni Niemer.
Inilabas ng Blaze Spikers ang bangis sa attack line matapos maglista ng 46 kills laban sa 20 lamang ng Lady Realtors.
Tanging si American wing spiker Casey Schoenlein lamang ang nagsumite ng double digits para sa Lady Realtors nang makapaglista ng 11 hits mula sa 9 attacks at 2 blocks.
Makakasagupa ng Petron ang magwawagi sa pagitan ng Cignal at United Volleyball Club sa quarterfinal sa Martes.
Sa kabila ng matikas na panalo ay walang puwang ang pagiging kumpiyansa para kay Niemer na nais pa ring mas maging pulido ang kanilang laro partikular na sa semis na mas krusyal na estado ng kumperensiya.
“Personally I can improve more on better attacks, smart choices. Overall I think our serving were strong and that’s one of our assets and I think we can work on our serve receive and communication,” dagdag pa ni Niemer.