MANILA, Philippines – Habang may nakikitang pag-asa ay hindi panghihinaan ng loob si NLEX head coach Yeng Guiao.
“As long as we have a chance to make the next round, that’s okay with me,” wika ni Guiao. “We will keep our hopes high and we’ll keep the fight to make the next round.”
Sasagupain ng Road Warriors ang Alaska Aces sa isang playoff para sa No. 8 berth sa quarterfinal round ng 2019 PBA Philippine Cup ngayong alas-7 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Ang mananaig ang haharap sa No. 1 Phoenix, may ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Sasama naman sa mga sibak nang Meralco, Columbian at Blackwater ang matatalo.
Naitakda ang playoff match ng Road Warriors at Aces makaraang talunin ng NorthPort Batang Pier ang No. 3 Ginebra Gin Kings, 100-97, noong Miyerkules.
“We are grateful to have this chance in spite of the crazy conference we have had and we look forward to bringing our best,” ani Alaska mentor Alex Compton.
Ang nasabing panalo ng NorthPort ang nag-upo sa kanila sa No. 7 at makakasagupa ang No. 2 Rain or Shine, may hawak na twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals.
Nauna nang pinayukod ng Road Warriors ang Aces, 91-70, sa una nilang pagkikita noong Marso 13.
Muling sasandalan ng NLEX sina Poy Erram, JR Quiñahan, Bong Galanza, Juami Tiongson at Kenneth Ighalo laban kina JVee Casio, Simon Enciso, Sonny Thoss at Jeron Teng ng Alaska.
“A chance is all we could have hoped for and a chance is all we’ve got,” ani Compton.
Maghaharap sa best-of-three series ang No. 3 Ginebra at No. 6 Magnolia para sa kanilang ‘Manila Clasico’ at ang No. 4 TNT Katropa kontra sa No. 5 San Miguel.