Cignal-Ateneo sinolo ang third spot
MANILA, Philippines – Solo tersera na ang Cignal-Ateneo sa Aspirant’s Group matapos ang dominanteng 83-64 panalo kontra sa Petron-Letran sa 2019 PBA- D-League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Naiiwan sa 35-36 sa halftime, sumakay ang Blue Eagles kay BJ Andrade na kumana ng 10 points sa third quarter upang ibigay sa koponan ang 63-54 abante papasok sa fourth quarter.
Naprotektahan ng Cignal-Ateneo ang kalamangan hanggang sa tuluyang maibulsa ang malaking tagumpay.
Bunsod nito ay umangat sa 4-1 kartada ang Ateneo upang ungusan ang Che’Lu (3-1) at Petron-Letran na nahulog sa 3-2 baraha.
“Our discipline was not good in the first half and that’s not the right recipe to play successful basketball,” sabi ni coach Tab Baldwin.
“But we sorted some things out, BJ, Mike (Nieto), and Matt (Nieto) hit some shots out and that got us in the right track. We did what we have to do,” dagdag nito.
Nagtapos si Andrade na may 13 points kasunod ang 12 markers ni Mike Nieto para sa Blue Eagles.
Sumuporta naman si big man Angelo Kouame na may 10 points at 11 rebounds, habang may 10 markers at 9 boards si Matthew Daves.
Sa kabilang banda, kumayod ng 16 points, 4 rebounds at 2 assists si Jerrick Balanza sa panig ng Knights.
Sa isa pang laro, nakabangon ang nagdedepensang Go For Gold matapos ang 102-87 panalo sa Batangas-Emilio Aguinaldo College.
Nagposte naman ng 20 points, 8 assists, 3 rebounds at 6 steals si Justin Gutang para sa Scratchers.
Nasayang naman ang 17 at 13 points nina Allan Martin at Clark Derige, ayon sa pagkakasunod, para sa Generals na lumagpak sa 1-4 marka.
- Latest