MANILA, Philippines — Bukod sa pagbibigay kasiyahan sa mga fans ng PBA sa Pangasinan sa pagdaraos ng All-Star weekend kung saan nag-enjoy ang buong delegasyon, may makabuluhang layunin ang pagdaraos ng apat na araw na kasiyahan sa Calasiao, Pangasinan.
Bukod sa isinagawang pagkakawanggawa sa ilang barangay at sa ospital pati na ang pagdaraos ng coaches, referees at basketball clinics, 126 na wheelchair ang makukuha ng Alagaang PBA outreach program ng PBA.
Manggagaling ang mga wheelchair na ito na ipapamahagi ng PBA mula sa local promoter na VV Productions matapos ipangako ng kanilang President at CEO na si VJ Vasandani na tutumbasan niya ng isang wheel chair ang bawat three-points at dunks na iniskor sa Rookie Sophomores- Juniors game noong Biyernes at sa tampok na North All-Star at South All-Stars noong Linggo ng gabi na nagbigay inspirasyon sa mga players na magbigay ng ‘magandang ‘show sa mga manonood.
Sa RSJ game na pinagwagian ng mga Rookie-Sophomores kontra sa Juniors sa 141-140, 34 na tres at 10 dunks ang naitala sa pangunguna ng rookie na si CJ Perez na kumamada ng walong tres at 10-dunks.
Umulan naman ng tres at dunks sa tampok na laro noong Linggo kung saan nanalo ang North All-Stars, 185-170 at tinanghal na co-MVP sina Japeth Aguilar at Arwind Santos na may pinakamaraming iniambag sa 45- dunks habang si PJ Simon naman ay may 9-na tres sa kabuuang 37 triples sa laro.
“First time na may nag-donate ng wheelchairs. Malaking bagay yun. Ang dami nating matutulungan doon,” ani PBA Commissioner Willie Marcial. “Dagdag pa doon ‘yung kasiyahan ko, kasiyahan ng mga players. Napakasaya nitong All Star na ito.”
“Actually yung wheelchair, naging panata na ng pamilya. Naging brand na ng community service namin. We wanted to add value to the All Star game by that pledge,” sabi naman ni Vasandani. “So tingnan n’yo, daming dunks, daming threes at masaya ang mga tao. We’ll give to the Alagang PBA. Samin kasi, hangad lang tumulong.”