CALASIAO, Pangasinan, Philippines –Nilipad ni Rey Guavarra ang makasaysayang ikalimang sunod na titulo sa Slam Dunk contest upang markahan ang pagsisimula ng inaabangang 2019 Philippine Basketball Association (PBA) All Star Weekend kahapon dito sa Calasiao Sports Complex.
Maging ang iniindang groin injury ay ‘di nakapigil sa Phoenix Pulse high flyer nang umiskor ito ng perpektong 100 puntos sa final dunk off kontra sa palabang kari-bal na si Renz Palma na nagkasya lamang sa 80.
Tig-50 puntos ang inis-kor ng dalawang dunker subalit sablay si Palma sa second dunkoff na sinamantala ni Guevarra sa pagsalampak ng isa na namang perfect 50 points upang ibulsa ang makasaysayang titulo.
Bunsod nito, nakatabla na si Guevarra sa idol nitong si KG Canaleta sa pinakamalupit na dunker sa 30-taong kasaysayan ng PBA All Star hawak ang tig-limang titulo.
“Sobrang special nito dahil natabla ko na ‘yung idol ko. Sana sumali siya next year,” ani Gueverra.
Tinanghal naman na bagong hari ng tres si Magnolia veteran shooter PJ Simon matapos umiskor ng 17 puntos sa final round.
Dinaig ni Simon ang palabang rookie ng Northport na si Robert Bolick na may tsansa sanang manalo subalit sinablay ang huling mo-ney ball shot upang magkasya lang sa 16 puntos.
Samantala sa Obstacle Challenge, pinagpag ni Rain or Shine slot man Beau Belga ang pagkakadulas nito sa preliminary round upang ibulsa ang kanyang ikalawang sunod na kampeonato.
Tinapos ni Belga ang full obstacle course sa 21.0 segundo upang daigin nang bahagya lamang si Russel Escoto ng Columbian Dyip na may 21.3 segundo.