MANILA, Philippines – Bubuksan ng banggaang Rookies-Sophomores kontra sa Juniors ang inaabangang three-day 2019 Philippine Basketball Association (PBA) All Star Weekend dito sa Calasiao Sports Complex.
Sisiklab ang aksyon sa ganap na alas-7 ng gabi kung saan bibida ang pinakamagagaling na manlalaro na tatlong taon pa lang sa PBA.
Bago iyon, magpapangbuno din ang mga PBA stars sa tatlong side shows na Obstacle Challenge, Three Point Shootout at Slam Dunk Contest simula sa 4:30 ng hapon.
Mangunguna para sa pinagsamang Rookies-Sophomores squad ang top overall rookie pick na si CJ Perez ng Columbian kasama ang 2018 Rookie of the Year at ngayon ay isa na sa bigating sophomore na si Jason Perkins ng Phoenix.
Nasa koponan din ang ilan pang rookies na sina Abu Tratter at Paul Desiderio ng Northport, Javee Mocon ng Rain or Shine, Trevis Jackson ng Meralco at Robert Bolick ng Northport.
Aalalay naman ang mga second year players na sina Jeron Teng ng Alaska, Mark Tallo ng NLEX, Rey Nambatac ng Rain or Shine, Reymar Jose ng Blackwater at Robbie Herndon ng Magnolia.
Siguradong mapapalaban ang mga bagito ng PBA kontra sa Juniors team na babanderahan naman ng 2017 Rookie of the Year mula sa Talk ‘N Text na si Roger Pogoy.
Makakasama niya sa koponan ng mga third year pro-league players sina Matthew Wright ng Phoenix, Jio Jalalon ng Magnolia at Kevin Ferrer ng Ginebra.
Susuporta sa kanila sina Carl Bryan Cruz ng Alaska, Von Pessumal ng SMB, Rashawn McCarthy at Russel Escoto ng Columbian gayundin si Gab Banal ng Blackwater.
Subalit hindi lamang sa kanila nakatuon ang atensyon dahil magpapasiklab din si Rain or Shine gunner James Yap na pupukol sa kanyang ikalawang sunod na Three Point Shootout title kontra kina Marcio Lassiter, Wright, Pogoy, Simon Enciso, Baser Amer, Philip Paniamogan, McCarthy, Mike DiGregorio, Ferrer, Bolick at kanyang dating Magnolia teammate na si PJ Simon.
Gayundin ang nais ni Rain or Shine center Beau Belga na sikwatin ang back-to-back Obstacle Challenge trophy kontra kina 5-time PBA MVP June Mar Fajardo kasama sina Yousef Taha, Noy Baclao, Justin Chua, Mo Tautuaa, Escoto, Rafi Reavis, Brian Faundo at Prince Caperal.
Makasaysayang ikalimang sunod na Slam Dunk championship naman ang liliparin ni Rey Guevarra kontra kina Renz Palma, Perez, Lervin Flores at Chris Newsome upang makatabla niya ang slam dunk legend na si KG Canaleta sa pinakamara-ming bilang ng Slam Dunk titles.