MANILA, Philippines – Tutulak ngayon patungong Calasiao, Pangasinan ang buong Philippine Basketball Association (PBA) delegation para sa papalapit na 2019 PBA All Star Weekend mula Marso 29 hanggang 31.
Pagdating sa tinaguriang ‘Puto Capital of the Philippines’ ay agad na magbibigay-pugay sa isang courtesy call ang buong PBA contingent kay Major Joseph Bauzon.
Matapos iyon ay iikot sakay ng motorcade ang mga PBA stars upang batiin ang mga nag-aabang na Pangasinenses sa kanila.
Magdaraos din ang PBA ng meet and greet sa Pangasinan fans kinagabihan na gaganapin sa Robinson’s Place at CSI Mall Calasiao.
Opisyal na magsisimula ang PBA All Star Weekend bukas sa Calasiao Sports Complex para sa biga-ting skills competition.
Dedepensahan nina James Yap, Beau Belga at Rey Guevarra ang kanilang Three Point Shootout, Obstacle Skills Challenge at Slam Dunk Contest trophies, ayon sa pagkakasunod.
Matapos iyon ay bibida naman ang mga bagito ng liga sa Rookies-Sophomores vs Juniors na idaraos sa unang beses sa loob ng tatlong taon upang markahan ang ika-30 anibersaryo ng PBA All Star Game.
Magpapahinga naman ang PBA sa aksyon sa Sabado upang magbigay-daan sa community services nito sa bayan ng Calasiao.
Magsasagawa ang liga ng referees at basketball clinics at dadayo rin sa mga barangay, ospital at bahay-ampunan na siyang bahagi ng Corporate and Social Responsibility (CSR) program ng PBA.
Subalit ang pinakamaningning na bahagi ng All Star ay magaganap sa Linggo kung saan sasalang ang PBA superstars sa PBA All Star Game sa pagitan ng North All Stars ni head coach Louie Alas at South All Stars ni chief tactician Caloy Garcia.
Ito ang unang pagkakataon na ibabalik ang tradisyunal na All Star Game matapos huling idaos ito noong 2016 sa Smart Araneta Coliseum kung saan umeskapo ang North kontra sa South, 154-151.
Sa nakalipas na mga taon kasi ay pinagharap ng liga ang PBA All Stars kontra sa Gilas Pilipinas bilang paghahanda ng pambansang koponan sa mga international competitions tulad ng FIBA Asia Cup, Asian Games and the FIBA World Cup Asian Qualifiers.