MANILA, Philippines – Gumawa ng ingay si Ateneo de Manila University middle hitter Maddie Madayag matapos magtala ng bagong record sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament.
Nagtala ng 11 blocks si Madayag para tulungan ang Lady Eagles na maitala ang 19-25, 22-25, 27-25, 25-22, 15-11 come-from-behind win laban sa University of Santo Tomas tungo sa ikapitong sunod na panalo ng Ateneo.
Nagsumite si Madayag ng 23 kabuuang puntos sa naturang laro para buhatin ang Lady Eagles sa panalo.
Winasak ni Madayag ang 11-taong record ni Celine Hernandez ng De La Salle University na nagrehistro ng siyam na blocks laban sa Adamson University noong Season 70.
Kaya naman pinangalanan si Madayag bilang Collegiate Press Corps UAAP Player of the Week – ang ikatlong Lady Eagle na nagkamit ng para-ngal para samahan sa listahan ang katropang sina Kat Tolentino at Bea de Leon.
“I’m speechless, I don’t know what to say. I just played my game, and contributed whatever I can for the team, and I just gave it my all,” pahayag ni Madayag.
Tinalo ni Madayag sa weekly award sina Sisi Rondina ng UST, Diana Mae Carlos ng University of the Philippines, Far Eastern University rookie Lycha Ebon at University of the East playmaker Lai Bendong.
Namamayagpag ang Ateneo tangan ang 7-1 rekord.