Hindi malilimutan ang Real Spicy

MANILA, Philippines — Naging idolo rin ng mga karerista si Real Spicy, nagkampeon sa Presidential Gold Cup at nakasungkit ng isang leg sa Triple Crown series.

Kahit hindi back-to-back PGC ruler at isang leg lang ang nasilo ni Real Spicy sa TCS ay hindi makakalimutan ng mga fans ang magandang alaala at naiambag nito sa industriya ng karera.

Umukit ng record ang Real Spicy na hindi pa nabubura hanggang sa kasalukuyan kaya patuloy ang bukang bibig ng mga karerista sa kanyang pangalan sa karerahan sa tuwing may mga stakes races.

Noong 2006, inukit ng Real Spicy ang 1:48 minuto sa 1,750 meter nang manalo sa 26th Grand Copa De Manila kung saan si star jockey Jessie Guce ang kanyang hinete.

Dalawa pang record ang inilista ng Real Spicy noong 2006 nang tinarak nito ang 2:09 minuto sa 2,050 meter sa pagdomina ng 34th Presidential Gold Cup at muli niyang nire­histro ang nasabing oras sa parehong distansya matapos magwagi sa Philracom Classic Open Championship.

Taong 2005 nang manalo sa third Leg ng Triple Crown ang Real Spicy at si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year JB Guce ang naging hinete.

“Hindi ako kinakabahan kapag si Jessie (Guce) ang nagdadala kay Real Spicy, kila­lang-kilala kasi niya yung kabayo,” hayag ni Hermie Esguerra na may-ari ng Real Spicy.

Si Ruben Clor ang trainer ng Real Spicy na anak ng Real Quiet at Spicy Tale.

 

Show comments