CEBU, Philippines – Napigilan ng Generika-Ayala ang paghahabol ng United Volleyball Club sa huling sandali ng laro upang ilusot ang 25-23, 21-25, 19-25, 27-25, 15-12 desisyon at makuha ang ikalawang sunod na panalo sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling umariba si Thai import Kanjana Kuthaisong na nagbaon ng 19 attacks kabilang ang game-winning hit para pamunuan ang matikas na pagresbak ng Lifesavers na umani ng ikatlong panalo.
Bahagyang umangat ang Generika-Ayala na sumulong sa 3-7 baraha upang buhayin ang pag-asa nitong makapasok sa Top 4 sa pagtatapos ng eliminasyon.
Kailangan lang ng Lifesavers na maipanalo ang nalalabing mga laro nito at umasang matalo ang iba pang koponan sa ibabaw ng standing para makahirit ng twice-to-beat card sa quarterfinals.
Una nang nasungkit ng reigning champion Petron ang unang twice-to-beat incentive matapos makalikom ng imakuladang 10-0 kartada.
Nagawang makadikit ng United VC sa 12-all sa fifth set sa likod nina outside hitter Kalei Mau at setter Alohi Robins-Hardy na nagbigay ng cross-court attack at drop shot, ayon sa pagkakasunod.
Subalit isang krusyal na mintis ang nagawa ni Mau sa service area na sinundan ng attacking error ni Yaasmeen Bedart-Ghani para bigyan ng dalawang libreng puntos ang Lifesavers at makalayo sa 14-12.
Tinuldukan ni Kuthaisong ang laban sa pamamagitan ng solidong off-the-block hit para makuha ang panalo.
Maliban kay Kuthaisong, nagbigay ng importanteng puntos sina wing spiker Fiola Ceballos at team captain Angeli Araneta gayundin si middle hitter Ria Meneses.