MANILA, Philippines – Alam ni coach Bong Ravena kung gaano kahalaga ang huling dalawang laro ng mga Tropang Texters sa elimination round ng 2019 PBA Philippine Cup.
Tuluyan nang maibubulsa ng TNT Katropa ang hangad na No. 2 berth, may lakip na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals kagaya ng nakamit ng No. 1 Phoenix, kung mananalo laban sa Columbian at NorthPort.
Kaya naman hindi na pakakawalan ng Tropang Texters ang tsansa.
“Every game is very important for us because we have a chance na maka-top two,” sabi ni Ravena. “Kaya every opportunity na dumating we have to grab it.”
Haharapin ng TNT Katropa ang Columbian ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang pagtutuos ng Magnolia at sibak nang Blackwater sa alas-7 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kasalukuyang sumasakay ang Tropang Texters sa four-game winning streak at hangad itong mapalawig sa lima sa pagsagupa sa Dyip.
Kung target ng TNT Katropa ang No. 2 seat ay hangad naman ng Columbian ang puwesto sa eight-team quarterfinals.
“We cannot take the game lightly. It’s still a must-win game,” ani Ravena.
Sa ikalawang laro, lalo namang magpapa-lakas ng kanilang tsansa sa quarterfinals ang Hotshots, nagmula sa 103-90 panalo laban sa Batang Pier noong Miyerkules, sa pagharap sa Elite.
Bagama’t talsik na sa torneo ang Blackwater ay ayaw pa ring magkumpiyansa ni Magnolia mentor Chito Victolero.
“Hindi puwedeng biruin iyan. Hindi nila basta ibibigay ang game, kailangan naming kunin sa kanila iyan,” ani Victolero sa koponan ni Bong Ramos. “We will not take them for granted.”