BATANGAS CITY, Philippines — Nagposte ng magkahiwalay na panalo ang inaugural champion Batangas City at Imus para itakda ang kanilang playoff duel sa 2019 MPBL Datu Cup.
Sumandal ang Batangas City kina point guard Jeff Viernes, bigman Jhaymo Eguillos at forward Denice Villamor para patumbahin ang General Santos City, 92-86.
Tumapos si Viernes na may 21 points at 6 assists, habang nagdagdag sina Eguillos, ang 2018 Finals MVP, at Villamor ng 18 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod, para ibigay sa Athletics ang No. 2 berth.
Tumipa si Villamor ng 3-of-4 shooting sa three-point range.
Dahil sa ‘win over the other rule’ ay nakuha ng Batangas City ang naturang tiket para harapin ang Imus sa playoffs.
Nagsanib ang tatlo para sa paghuhulog ng 10-2 bomba na bumasag sa 73-73 pagkakatabla at ibigay sa Batangas City ang 83-75 bentahe kontra sa GenSan sa huling dalawang minuto ng fourth period.
Sa playoffs ay lalabanan ng GenSan ang Bacoor, nanalo via forfeiture kontra sa Parañaque, sa Southern Division.
Samantala, itinakbo naman ng Imus ang 107-90 panalo laban sa sibak nang koponan ng Mandaluyong.
Tumabla ang Bandera sa Cebu Sharks, ngunit naibulsa ang No. 7 spot ng Southern Division dahil sa ‘winner over the other’ rule.
Makikipagtuos ang Cebu sa top seed na Davao Occidental.