Patuloy na hindi makuha ni Sean Anthony ang hangarin na maging PBA All-Star player kahit na regular siyang kandidato para sa Best Player of the Conference award.
Kahit na nga sa tumataginting niyang averages na 21.3 points, 8.6 rebounds and 4.3 assists sa kasaluku-yang season, out pa rin siya sa All-Star picture.
“Find it odd that I’ve been put in BPC/MVP rankings last couple years but have never been selected for an All-Star Game,” aniya sa kanyang Twitter account.
Akala ko nga ay maihahabol na siya sa roster ng mga players na lalaro sa paparating na All-Star Game sa Calasiao, Pangasinan dahil muling na-injured si Joe Devance.
Ang siste ay hindi siya puwedeng gawing substitute dahil listed si Devance sa South team, samantalang naka-grupo si Anthony sa North.
Nanatili naman na committed si Anthony na pagbutihan ang kanyang paglalaro para lalong makatulong sa kanyang koponang NorthPort Batang Pier.
* * *
Dahil sa panalo ng Barangay Ginebra sa Phoenix Pulse noong nakaraang gabi, nanatiling wide open ang labanan para sa Top Two o sa dalawang koponan na tatangan ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Kung hindi pa rin masusungkit ng Phoenix ang outright Top Two finish sa kanilang laban kontra sa San Miguel Beer sa kanilang road showdown sa Panabo, Davao del Norte sa Sabado, lalong mananatiling malaking rumble ang labanan para sa win-once bonus sa quarters.
Papasok sa homestretch ng eliminations, anim pa ang nasa karera para sa Top Two – Phoenix (8-2), Rain or Shine (7-3), San Miguel (6-3), TNT KaTropa (5-3), Ginebra (4-3) and Alaska Milk (3-3).
Malaki ang bentahe ng Rain or Shine sa quotient kung tatapos ito na tangan ang 8-3 kartada dahil tinalo nila ang halos lahat ng koponan na puwede nilang makatabla.
Pero siyempre, kailangan nilang lusutan ang kanilang huling laban kontra sa Meralco.
Tinalo ng Elasto Painters ang Fuel Masters, Beermen, Gin Kings, Hotshots at Aces.