MANILA, Philippines — Naging impresibo ang ipinakita ni Filipino flyweight contender Rene Catalan matapos iposte ang first round TKO victory laban kay dating flyweight champion Yoshitaka Naito sa ONE: Reign of Valor kamakalawa ng gabi sa Thuwunna Indoor Stadium sa Yangon, Myanmar.
Ginamit ng 40-anyos na si Catalan ang kanyang striking game para pabagsakin si Naito sa 4:32 minuto ng opening round.
Napigilan ng Pinoy warrior ang mga takedown attempts ng dating Japanese titlist kasabay ng pagpapakawala ng mga solidong suntok.
Posibleng labanan ni Catalan ang mananalo sa rematch nina Yosuke Saruta at dating Pinoy titlist Joshua Pacio na nakatakda sa Abril.
Samantala, nakalasap naman si Pinay fighter Jomary Torres ng first round submission defeat kay Lin Heqin ng China.