MANILA, Philippines — Hindi pa man din nakakapaglaro ng matagal mula sa injury ay muling mawawala si Jared Dillinger ng apat hanggang anim na linggo.
Ito ay matapos mapilay ulit ang dati niyang quad injury na siyang siguradong iindahin ng Meralco sa kanilang nanganganib ng kampanya sa umiinit na 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup.
Ayon kay Dillinger, natamo niya ito sa laban nila ng NLEX noong nakaraang Pebrero 2 at lubusang nalulungkot dahil hindi na naman siya makakatulong sa Bolts.
“It’s frustrating but it is what it is,” aniya. “Just moving forward, do rehab, and get my old ass back in shape again. It’s basically starting from zero again. It’s part of the game.”
Magugunitang ang naturang injury din ang dahilan ng pagkawala ni Dillinger sa halos kabuuan ng 2018 Governors’ Cup. Hindi rin siya nakasama sa kampan-ya ng Meralco sa 2018 FIBA Asia Champions Cup.
Edad 35-anyos na, ipinangako ng beteranong si Dillinger na hindi mamadaliin ang pagbabalik ngayon upang mapagaling nang tuluyan ang naturang injury.
Sa kabutihang palad kahit wala ang wingman na si Dillinger, naka-iskor ng dikit na 126-123 na panalo ang Meralco kamakalawa kontra sa Northport na siyang tumapos sa kanilang tatlong sunod na kabiguan.
Angat na ngayon sa 3-5 ang baraha ng Meralco upang mapanatiling bukas ang pag-asang makapasok sa playoffs ng All Filipino Conference.
Sa pagkawala ni Dil-linger, sumandal ang Bolts sa likod ni Chris Newsome na may 28 puntos gayundin sina Baser Amer at Cliff Hodge na may tig-23 puntos.