ILAGAN CITY, Isabela -- Hindi na inaasahan ni Philippine Amateur Track and Field Association president Philip Ella Juico na magsusuot pa ng national team uniform si Fil-Am thrower Caleb Stuart.
Sinabi kahapon ni Juico na hindi na nagpaparamdam ang Southeast Asian Games record holder sa men’s hammer throw.
“We cannot tolerate people like that,” ani Juico kay Stuart, naghagis ng 65.63 metro noong 2015 SEA Games sa Singapore para burahin ang lumang 62.23m ni Tantipong Phetchaiya ng Thailand na nailista sa Myanmar noong 2013.
Bunga ng sinasabing injury ay hindi naman nag-laro si Stuart sa sumunod na edisyon ng biennial meet sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2017.
Nang humingi si Stuart sa PATAFA ng $800 para sa kanyang training sa United States ay hindi nagdalawang-isip si Juico na kaagad itong ibigay.
Ngunit hanggang kahapon ay walang sagot si Stuart hinggil sa nangyari sa kanyang training at sinalihang torneo.
“Lahat ng pagkakataon para makipag-communicate ay ibinigay ko na sa kanya,” ani Juico.