MANILA, Philippines – Mapapasabak ang mga kampeon sa nakaraang PBA All Star Skills Competition sa bigating cast ngayong papalapit na 2019 edition ng mid-season spectacle sa katapusan ng buwan sa Calasiao, Pangasinan.
Dedepensahan ni Beau Belga ang kanyang Obstacle Challenge Crown, bubuslo naman upang makaulit sa Three Point Shootout si James Yap habang liliparin ni Rey Guevarra ng record na limang Slam Dunk title sa All Star Weekend ngayong Marso 29 hanggang 31.
Subalit hindi ito magiging madali lalo na kay Rain or Shine big man Belga dahil 11 na katao ang haharang sa kanyang daan tungo sa ikalawang sunod na Obstacle Challenge championship.
Ang five-time Most Valuable Player ng San Miguel Beer na si June Mar Fajardo ang gigiya sa 11-man challenger ni Belga kasama sina John Paul Erram (NLEX), Yousef Taha (TNT Katropa), Noy Baclao (Alaska), Justine Chua (Phoenix), Moala Tautuaa (NorthPort), Raymar Jose (Blackwater), Prince Caperal (Barangay Ginebra), Brian Faundo (Meralco), Russel Escoto (Columbian Dyip) at Rafi Reavis (Magnolia).
Mapapasabak din ang 37-anyos na beteranong shooter na si Yap na hangad ang kanyang ikatlong sunod na titulo.
Bagama’t hindi na kasali ngayon ang mahigpit niyang karibal noong nakaraang taon na sina Terrence Romeo ng San Miguel at Stanley Pringle ng Northport, mahihirapan pa ring makaulit ng titulo ang Rain or Shine gunner.
Tatrangkuhan nina LA Tenorio ng Ginebra, Marcio Lassiter ng San Miguel at Matthew Wright ng Phoenix ang mga hahamon kay Yap kasama rin sina Robert Bolick ng Northport, Simon Enciso ng Alaska, Philip Paniamogan ng NLEX, Michale DiGregorio ng Blackwater, Reden Celda ng Columbian, Baser Amer ng Meralco, Roger Pogoy ng Talk ‘N Text at Peter June Simon ng Magnolia.
Makatabla naman sa tuktok ng slam dunk history hawak ang limang kampeonato ang hangarin ni Guevarra ng Phoenix matapos ang ikaapat niyang Slam Dunk trophy noong nakaraang 2018 All Star sa Batangas City.
Makakasabong niya sa era ang iba pang high-flyers na sina Chris Newsome ng Meralco, Lervin Flores ng Northport at CJ Perez ng Columbian.
Hindi naman pahuhuli ang runner-up noong nakaraang taon na si Renz Palma ng Blackwater matapos pahirapan si Guevarra bago naka-eskapo sa final round.