ILAGAN CITY, Isabela, Philippines — Sa kanyang pagbabalik sa spotlight ay pupuntiryahin ni Fil-American long jumper Donovant Arriola Grant ang muling mapasama sa Philippine national track and field team.
Dahil sa injury ay hindi napabilang ang 6-foot-1 na si Grant sa Philippine squad na lumahok noong 2017 Southeast Asian Games.
Mula sa kanyang lundag na 7.64 metro ay inangkin ng Fil-Am ang gintong medalya sa men’s long jump event noong 2015 SEA Games kasabay ng pagtatala ng bagong Philippine record.
“I think it’s good to just focus on execution of technique and the mark will take care of itself,” sabi ni Grant kahapon, duma-ting sa bansa noong Marso 1 mula sa El Paso, Texas, USA. “I’m hoping to make it back to the national team and compete in the coming SEA Games.”
Isa si Grant sa mga magsusuot ng uniporme ng Philippine team sa 2019 Philippine Athletics Championship na pakakawalan bukas dito sa Ilagan Sports Complex.
Ang iba pang overseas-based athletes na inaasahang lalahok sa 2019 National Open ay sina Eric Cray, Lily Carter, William Morrison, Alyana Nicolas, Natalie Uy, Kayla Robinson, Kristina Knott at EJ Obiena.
Makikita din sa aksyon sina national heroes Marestella Torres, Harry Diones at Mary Joy Tabal sa nasabing athletics meet na sasabakan ng UAE, Jordan, Hong Kong, Sri Lanka, India, Mongolia at Chinese Taipei.
Gagamitin ng Philippine Amateur Track and Field Association ang naturang event bilang paghahanda sa 2019 Asian trackfest sa Abril at sa 2019 SEA Games.
Lumundag si Grant ng 7.32 metro para pitasin ang gold medal sa 2019 New Mexico Collegiate meet na mas malayo sa kanyang Philippine mark na 7.64m noong 2015.
Ang kanyang lundag na 7.32m sa New Mexico Collegiate meet ay malapit sa inilistang 7.36m ni Pinoy long jumper Janry Ubas noong 2018 Asian Games.
“It’s too early in the track season like the universal track season. I’m just hoping to compete well and make it to the national team. That’s my goal,” wika ni Grant.