MANILA, Philippines — Siyam na buwan pa bago ang 30th Southeast Asian Games na gaganapin dito sa Pilipinas, sinigurado na agad nina San Miguel Beer guards Alex Cabagnot at Chris Ross ang kanilang kahandaan upang mapasali sa Gilas Pilipinas na magdedepensa ng basketball crown ng bansa.
Ayon sa kanilang social media posts, inihayag ng dalawang Beermen ang kanilang kagustuhang kumatawan sa bansa kung sakaling eligible silang maglaro sa prestihiyosong biennial regional event sa Timog Silangang Asya kung saan ang Pilipinas ay ang 17-time champion sa basketball competition.
“I would love to represent the country in the SEA Games. It would be a dream come true,” anang 7-time PBA champion na si Cabagnot.
Magugunitang nitong fifth window lang ng 2019 International Basketball Federation (FIBA) World Cup Asian Qualifiers noong nakaraang Nobyembre ay naging bahagi si Cabagnot ng 20-man Gilas pool ni head coach Yeng Guiao.
Kung sakali, ito ang magiging pagbabalik ni Cabagnot sa koponan at posibleng makasama pa ang long-time SMB teammate na si Ross na nagpahiwatig din ng kagustuhan sumali sa Gilas.
“Am I eligible? I want to play also,” ani Ross na matagal nang kinukunsidera sa national team subalit ineligible dahil hindi nakakuha ng Philippine passport bago mag-16 anyos na siyang panuntunan ng FIBA upang ma-ging national team player.
Subalit dahil mas maluwag ang batas ng SEA Games lalo’t host team ang Pilipinas, posibleng makapaglaro si Ross kung mapapasali nga sa koponan.
Nauna nang sinabi ni PBA Chairman Ricky Vargas na siyang Presidente rin ng Philippine Olympic Committee na hangad niyang magparada ng all-PBA team sa SEA Games upang masigurong magkakampeon ang bansa sa harap ng Filipino home crowd.
Of course, we want the best to represent our country in the SEA Games that we’re hosting,” ani Vargas bago magsimula ang PBA 44th season noong nakaraang buwan.
“We want the best representation from Philippine basketball. At syempre, ayaw natin masilat in front of our kababayans,” sabi pa ni Vargas.
Noong 2017 SEAG na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia ay isinukbit ng Gilas ang gintong medalya sa basketball.