MANILA, Philippines – Apat na koponan ang mag-uunahang makuha ang unang panalo sa pagpalo ng Philippine Superliga Grand Prix ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Matapos ang isang simpleng opening ceremonies sa alas-3 ng hapon ay kaagad aariba ang United Volleyball Club at Foton sa alas-4 at ang Sta. Lucia Realty at Generika-Ayala sa alas-6 ng gabi.
Tiwala ang Generika-Ayala na masusundan ang kanilang magandang kampanya sa All-Filipino Conference kung saan umabot ang tropa sa semifinals.
Sasandalan ni head coach Sherwin Meneses sina Marivic Meneses, Fiola Ceballos at Patty Orendain kasama sina imports open spiker Nikolle del Rio ng Brazil at middle blocker Kseniya Kocyvit ng Azerbaijan.
“Our confidence is high. As much as possible, we want to give our local players a lot of opportunities in the Grand Prix. That’s why we tapped a middle blocker and an open spiker as imports. We want to reward our locals for a job well done in the previous conference,” wika ni Meneses.
Hangad ng Lifesavers na makabalik sa Finals sa taong ito matapos huling tumapak sa championship round noong 2014.
Ipaparada naman ng Sta. Lucia ang bagong coach na si dating National University mentor Babes Castillo.
Optimistiko ang Lady Realtors na mas magiging mabangis ang kanilang tropa matapos mabokya sa All-Filipino Conference.
Wala pa sa 100 percent si Filipino-American spiker MJ Philips kaya’t aasahan ng Lady Realtors sina American imports Molly Lohman at Casey Schoenlein.
Makakasama ng Sta. Lucia sa pagkakataong ito ang bagong recruits na sina Adamson ace Amanda Villanueva at Ateneo libero Rio Lo para makatuwang nina veterans Michelle Laborte, Rubie de Leon at Pam Lastimosa.
“I expect more energy from the team now. We had a really good four weeks already and everything is working well in this team. The imports are also very young and energetic, so it’s really a good combination,” ani Castillo.
Nakasentro rin ang atensyon sa Foton at United Volley.
Sa kabila ng pagkawala nina Jaja Santiago at Dindin Manabat, nananatiling mabangis ang Tornadoes dahil kina imports Selime Ilyasoglu ng Turkey at Courtney Felinski ng United States.