Anak ni Pacquiao sumalang
MANILA, Philippines — Tila wala nang ma-kapipigil pa kay Jimuel Pacquiao sa pagsunod sa yapak ni eight-division world champion Manny Pacquiao.
Ito ay matapos masilayan si Jimuel sa isang amateur fight o sparring session laban kay Lucas Carson noong Sabado sa Alabang, Muntinlupa.
Inilatag ng panganay na anak ni Pacquiao ang tikas nito sa unang round pa lamang kung saan nasilayan ang lakas ng kamao nito gayundin ang bilis ng kilos sa ibabaw ng ring.
Nagpakawala si Jimuel ng matatalim na suntok dahilan upang makailang ulit na umatras ang kanyang karibal.
Ilang mabibilis na atake pa ang ginawa ni Jimuel na nakuha nito sa bagsik ng kamao ni Pacquiao sa kanyang mga laban.
Matapos ang dalawang rounds, parehong pagod ang dalawang boksingero tunay na nagpasiklab sa laban. Idineklarang draw ang laban.
Protektado ng head gear ang dalawang boksingero upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Napanood ni Pacquiao ang buong laban sa pamamagitan ng videocall.
Nagbigay pa ang Pambansang Kamao ng ilang tips sa kanyang anak bago ang laban.
Magugunitang maka-ilang ulit nang nasilayan si Jimuel sa sparring session sa Wild Card Gym sa Hollywood, California noong nagsasanay si Pacquiao sa pagdedepensa ng World Boxing Association welterweight belt laban kay American fighter Adrian Broner.
Isiniwalat pa ni Pacquiao na ilang beses na rin nitong nakita ang anak na pinapanood ang kanyang mga nakalipas na laban na tila kumukuha ng teknik para sa kanyang “future boxing fights.”
Sumasailalim si Ji-muel sa pagsasanay kasama si dating world champion Rodel Mayol.
- Latest