MANILA, Philippines — Muling pinatunayan ng nagdedepensang San Miguel-Alab Pilipinas ang kanilang husay kontra sa Hong Kong Eastern Lions, 96-81 upang hatakin ang winning streak sa pito sa pagpapatuloy ng 9th ASEAN Basketball League (ABL) noong Biyernes ng gabi sa Southorn Stadium ng Wan Chai, Hong Kong.
Nagsanib-puwersa sina Renaldo Balkman at Bobby Ray Parks Jr. para sa kabuuang 55 puntos tungo sa pang-13th panalo sa 15 laro at iangat ang road win sa 3-2 bukod pa sa pinakamataas na 10-0 homecourt game.
Una nang nanalo ang Filipino team sa Eastern Lions sa season na ito, 87-75 noong Enero 11 sa Sta. Rosa, Laguna at sinundan ng 88-76 panalo sa ikalawang pagtatagpo noong Enero 27 sa parehong venue.
Kahit may tatlong world imports kabilang na ang 7’5 Maltese-Italian na si Sam Deguara kung ikumpara sa dalawang imports lamang ng Pinoy team, ang Hong Kong ay bumaba sa 6-4 record sa kanilang teritoryo at 5-5 sa road game.
Pinayagan lamang ng Alab Pilipinas na lumamang ang Eastern Lions ng isang beses, 53-50 mahigit 12 segundo pa ang nalalabi sa ikalawang yugto, ngunit bumirada naman si Parks ng triple para maitabla ang laro sa first half, 53-53.
Mula dito ay hindi na binitiwan ng Filipino team ang bentahe para umangat ng mahigit tatlong panalo ang agwat sa pumapangalawang Formosa Dreamers (10-5).