Davao City overall champion uli sa Batang Pinoy Mindanao

TAGUM CITY, Davao del Norte, Philippines — Matapos dominahin ang pitong sports events ay pormal nang hinirang na overall champion ang Davao City sa ikala-wang sunod na Batang Pinoy Mindanao Leg.

Kumubra sa swimming, archery, athletics, arnis, taekwondo, karatedo at dancesports, humakot ang Davao City ng kabuuang 56 gold, 39 silver at 58 bronze medals sa pagtiklop ng qualifying leg kahapon dito sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex.

“Mayor Sara (Duterte-Carpio) is always supporting our athletes. Every Davao City Day binibigyan niya ang mga outstanding athletes namin ng incentives,” sabi ni Davao City Sports Division Office head Michael Denton Aportadera, pumalit kay Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez sa nasabing opisina ng lungsod.

Inungusan ng Davao City sa medal tally ang Cagayan De Oro (33-23-42), General Santos City (27-33-31), Davao Del Norte (24-25-24), Koronadal City (22-12-9), South Cotabato (20-24-20), Cotabato Province (19-13-9), Zamboanga City (15-20-28), Iligan City (14-21-29), Tacurong City (14-13-11), Tagum City (13-12-18) at Butuan City (11-13-20).

Nauna nang pinagha-rian ng Davao City ang nakaraang 2019 Davao Regional Athletic Association (DAVRAA) sa nakolektang 170 golds, 125 silvers at 59 bronzes noong Enero.

Noong 2018 Batang Pinoy Mindanao Leg na idinaos sa Oroquieta City, Misamis Occidental ay nagposte ang nasabing lungsod ng 54 ginto, 29 pilak at 25 tansong medalya para makamit ang overall championship.

Si Koronadal City archer John Carlo Margarito Loreno ang atletang may pinakamara-ming gintong medalyang nahakot sa bilang na pito sa kanyang mga panalo sa cadet boys’ 30m, 40m, 50m, 60m, Single FITA, mixed team events at Olympic round.

May limang gold medal naman si Koronadal City lady archer Princess Micah Basadre at sina swimmers John Alexander Talosig ng North Cotabato at Liaa Margarette Amoguis ng Davao City at long distance runner Aaron Gumban ng Davao del Norte.

Sina tankers Isidore Warain at Jie Angela Mikaela Talosig ng North Cotabato at Albren Jan Dayapdapan ng Dipolog City ay nagtala ng tig-apat na gintong medalya sa kani-kanilang events.

 

Show comments