Japeth Aguilar, Paul Lee makakalaro na sa Gilas?
MANILA, Philippines — Aabot sa laban ng Gilas Pilipinas sina Japeth Aguilar at Paul Lee sa kabila ng mga iniinda nilang injuries dalawang linggo na lamang bago ang must-win sixth window ng 2019 International Basketball Federation (FIBA) World Cup Asian Qualifiers.
Iyan ang sinigurado ng dalawang resident Nationals kahit pa kagagaling lang nila sa masaklap na injuries nitong nakaraang linggo.
Matapos hindi makalaro sa pagsasanay ng Gilas noong Lunes ng gabi, nagsanay na ulit nitong Martes si Lee kahit pa hindi tuluyang naghihilom ang right thumb injury.
Natamo ni Lee ang naturang injury sa unang laban ng Magnolia ngayong 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup kontra sa Talk ‘N Text noong Linggo sa Mall of Asia Arena.
Inamin ni Lee na masakit pa rin ang kanang hinlalaki subalit ipinangakong ipapagpag lamang niya ito makapagsilbi lamang para sa national team.
Gayundin ang Ginebra big man na si Aguilar na inaasahang magsasanay na ulit sa pagbabalik ng Gilas training camp ngayong gabi sa Merlaco Gym sa Ortigas, Pasig City.
Bagama’t naroon upang mag-obserba, hindi nakasali si Aguilar sa nakaraang dalawang practice sessions ng Gilas bunsod ng right ankle injury na natamo niya sa 97-85 panalo ng Ginebra kontra sa Columbian noong nakaraang Sabado sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Ang paggaling ng da-lawang manlalaro ay dagdag na puwersa sa Gilas na nasa puspusang paghahanda na bago ang laban kontra sa Qatar at Kazakhstan sa Pebrero 21 at 24, ayon sa pagkakasunod – bagay na ikinatuwa ni head coach Yeng Guiao.
“We’re getting there, we’re getting better chemistry,” ani Guiao. “Si Japeth nalang hinihintay namin. I don’t think his injury is that serious so I expect him to be in practice today.”
Bukod kay Lee at Aguilar, inaasahan pa rin ang presensya ng iba pang miyembro ng kumpletong 15-man Gilas pool na sina naturalized player Andray Blatche, Raymond Almazan, JP Erram, Marcio Lassiter, Roger Pogoy, Troy Rosario, Jayson Castro, Mark Barroca, Scottie Thompson at Gilas cadet na si Thirdy Ravena.
Matapos ang pagsasanay ngayon, sa Lunes na ulit sasabak ang Gilas sa training bunsod ng idinaraos na 2019 PBA All Filipino conference.
- Latest