Parks nagbida sa Alab Pilipinas win
MANILA, Philippines — Sa kanyang pagbabalik mula sa injury, umarangkada agad si Bobby Ray Parks Jr. para pangunahan ang 111-87 panalo ng nagdedepensang San Miguel-Alab Pilipinas sa Saigon Heat sa pagpapa-tuloy ng 9th ASEAN Basketball League (ABL) noong Linggo ng gabi sa Lapu Lapu City Sports Complex ng Cebu.
Hindi nakalaro ng tatlong game ang 6’4 na si Parks dahil sa groin injury ngunit pinatunayan niya ang pagiging back-to-back MVP sa pamamagitan ng paghataw ng 23 puntos, 16 nito sa first half tungo sa pang-12th panalo sa 14 laro ng Alab Pilipinas at nanatiling walang talo sa home court sa 10 laro.
Umani pa ng pitong assists, dalawang rebounds at isang steal ang 25-anyos na anak ni dating PBA best import Bobby para sa maagang 31-15 bentahe ng Pinoy team mahigit isang minuto pa ang nalalabi sa unang yugto.
Ito na rin ang pang-anim sunod na panalo ng tropa ni coach Jimmy Alapag at higit sa lahat, umukit na rin ng pa-ngalan si Parks Jr. bilang pang-16th member ng 1,000-point club ng ABL sa loob lamang ng tatlong taong paglalaro sa home-and-away league.
Bukod kay Parks, tumulong din ng 30 puntos, 18 rebounds at apat na assists ang Puerto Rican import na si PJ Ramos habang ang kanyang kababayang si Renaldo Balkman ay tumipa ng 29 puntos, pitong rebounds, limang assists at isang block.
Bumaba ang Vietnamese team sa fourth place sa standing sa 10-7 win-loss kartada.
Nagpasiklab din ang Filipino team ng siyam na triples sa 40 percent shooting at sa mataas na 55 percent sa field goal bukod sa 53 rebounds kung ikumpara sa 37 lamang ng Heat. Dinomina rin ng Alab ang assist department sa 28 habang 16 lamang sa Saigon.
SAN MIGUEL ALAB PILIPINAS 111 - Ramos 30, Balkman 29, Parks 23, Alvano 7, Domingo 6, Urbiz-tondo 6, Javelona 5, Sumalinog 3, Rosser 2, Tiongson 0, Alabanza 0, Torres 0.
SAIGON HEAT 87 - Dierker 20, Burnatowski 19, Hughes 16, Hamilton 15, Tran 11, Cilia 4, Waale 2, H. Nguyen 0.
Quarters: 33-17, 53-33, 81-69, 111-87.
- Latest