DUBAI, United Arab Emirates — Muling nahirapan si Los Angeles Lakers star Lamar Odom sa ikalawang sunod na laro ngunit may sapat na lakas ang Mighty Sports-Philippines upang igupo ang UAE national team, 86-78 noong Sabado para makasiguro ng puwesto sa quarterfinal round ng 30th Dubai International Basketball Championships.
Nagdeliber sina reinforcements Justin Brownlee at Randolph Morris at sumuporta naman sina playmaker Jason Brickman at Juan Gomez de Liaño habang nag-init naman off the bench si Fil-Am Roosevelt Adams para masundan ng Mighty Sports ang 87-58 panalo kontra sa American University ng Dubai sa opener noong Martes.
Nalampasan na ng accessories at apparel team na Mighty Sports na suportado ng SMDC, HealthCube Medical Clinics, Go for Gold at Oriental, ang kanilang 2017 showing na isang panalo lamang sa 8-laro at may pag-asa pang umusad sa semifinals ng prestihiyosong invitational cage tournament sa Middle East.
Nanguna ang 6-foot-10 na si Morris sa pag-atake sa kanyang 20 points kabilang ang dalawang triples kahit hindi napahinga sa buong fourth period at nagtala rin si Brownlee ng double-double sa kanyang 18 points at 11 rebounds para tabunan ang mahinang produksiyon ni Odom sa Shabab Al Ahli gymnasium dito.
Tumapos naman ang 6-foot Brickman ng game-high seven assists, tampok ang no-look feed kay Brownlee para sa tomahawk dunk sa crunch time.