Orcollo, Aranas umusad

MANILA, Philippines — Nagtala ng dalawang sunod na panalo sina dating world champion Dennis Orcollo at James Aranas ang umusad sa third round ng prestihiyosong 2019 World Pool Series Predator Grand Final na ginaganap sa Steinway Café-Billiards sa Astoria, New York.

Nakahirit ng opening-round bye si Orcollo bago itarak ang 11-2 panalo laban kay Michael Yednak ng Amerika habang nanaig si Aranas kina Michael Leahy ng Amerika sa first round (11-1) at Petri Makkonen ng Finland sa second round (11-7).

Sunod na makakatipan ni Orcollo si Mike Dechaine ng Amerika na nagwagi kina Mohammad Ali Berjaoui ng Lebanon (11-2) at legendary Ralf Soquet ng Germany (11-6).

Haharapin naman ni Aranas si Darren Appleton ng Great Britain na nakakuha rin ng first-round bye at nagtala ng 11-10 desisyon kay Pinoy bet Carlo Biado.

Nahulog sa losers’ bracket si Biado kung saan makakaharap nito si Elvis Rodriguez ng Honduras.

Maliban kay Biado, bumagsak din sa losers’ column ang iba pang Pinoy entries na sina Daniel Dagotdot at Mhet Vergara.

Gaya ni Biado, kinakailangan nina Dagotdot at Vergara na maipanalo ang kanilang mga susunod na laban upang manatiling buhay ang kanilang pag-asa.

 

Show comments