Cruz may injury

Jericho Cruz

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagdating ng suliranin sa kampo ng Talk ‘N Text.

Ito ay matapos dumagdag ang wingman na si Jericho Cruz sa dumaraming pilay na manlalaro ng KaTropa sa idinaraos na 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup.

Nagtamo ng strained hamstring injury si Cruz sa ensayo ng koponan kamakalawa na siyang malaking dagok sa manipis ng roster ng KaTropa.

Inaasahang mawawala hanggang isang buwan ang dating Adamson guard para sa panig ng TNT.

Matatandaang kulang na sa dalawang manlalaro ang KaTropa kasunod ng injuries ng big men na sina Troy Rosario at Yousef Taha.

Nadale ng nose injury si Rosario sa tune-up game kontra sa NLEX sa dulo ng nakaraang taon habang nasugatan naman sa noo si Taha sa parehong scrimmage.

Inaasahang hanggang isang buwan pa ring hindi makakalaro si Rosario habang isang linggo pa ang hinihintay bago makabalik si Taha.

Bunsod nito, lalong naging kulang-kulang ang tao ng TNT na maiiwan na lamang ngayon kina Kelly Williams, Jayson Castro, Ryan Reyes, Roger Pogoy, Brian Heruela, Mike Miranda at ng ibang role players ng koponan.

Maalalang sa unang laban ng KaTropa noong nakaraang Linggo sa Philippine Arena ay hindi rin masyadong maganda ang ipinakita ni Cruz nang magkasya lamang ito sa apat na puntos sa malamyang 1-of-9 shooting sahog ang tatlong rebounds at assist sa loob ng 25 minutong aksyon.

Show comments