MANILA, Philippines — Bagong 14-man pool ang ipaparada ng Gilas Pilipinas sa papalapit na kritikal na huli at ikaa-nim na window ng 2019 International Basketball Federation (FIBA) World Cup Asian Qualifiers sa susunod na buwan.
Naatasang manguna sa pambansang koponan ang five-time Philippine Basketball Association (PBA) Most Valuable Player (MVP) na si June Mar Fajardo kasama si naturalized player Andray Blatche.
Ito ang pagbabalik ng Filipino-American na si Blatche sa Nationals matapos hindi masama sa 20-man pool ng Gilas sa fifth window noong nakaraang Disyembre.
Sasamahan sila ng mga Gilas remnants noong nakaraang window na sina Japeth Aguilar, John Paul Erram, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, Troy Rosario, Jayson Castro, Scottie Thompson, Paul Lee at Christian Standhardinger na magsisilbing back-up na naturalized player ni Blatche.
Nadagdag naman sa 14-man pool ni head coach Yeng Guiao sina Mark Barroca, Raymond Almazan at Roger Pogoy na naisilbi na ang kanyang suspensyon mula sa FIBA kasunod ng kinasangkutang rambol kontra sa Australia noong nakaraang Hulyo.
Ilan naman sa mga kilalang manlalaro na natanggal sa pool ay sina Stanley Pringle, Matthew Wright, Ian Sangalang, Greg Slaughter, Beau Belga, LA Tenorio at Alex Cabagnot mula sa orihinal na 20-man pool.
Lubos naman ang pasasalamat ni President Al Panlilio ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa PBA sa pangunguna nina Commissioner Willie Marcial at Chairman Ricky Vargas sa isa na namang solidong suporta ng liga sa Nationals.
“As this window is critical in our campaign, we would like to thank again the support of the PBA in making this PBA players available,” ani Panlilio na siyang governor din ng Meralco.
Sa kabila ng malakas na 20-man pool, magugunitang noong nakaraang window ay kinapos ang Gilas kahit pa may homecourt advantage kontra sa mga dayong Kazakhstan, 88-92 at Iran, 70-78.
Bunsod noon ay nadiskaril ang tsansa ng Gilas sa World Cup dahil dumausdos na sila sa fourth place ng Group F hawak ang 5-5 kartada sa likod ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4).
Kailangang manalo ang Gilas sa Qatar at Kazakhstan sa Pebrero 21 at 24, ayon sa pagkakasunod, upang mapanati-ling buhay ang pag-asang makapasok sa World Cup na gagaganapin sa China ngayong Agosto.
Magsisimula na ang twice-a-week na pagsasanay ng Gilas sa Enero 21 kahit pa idinaraos ang 2019 PBA Philippine Cup.
Sa unang linggo naman ng Pebrero inaasahang darating si Blatche upang samahan ang koponan sa puspusang paghahanda nito mula Pebrero 14 kung kailan titigil muna pansamantala ang PBA para sa suporta sa Nationals.