MANILA, Philippines — Posibleng manatili pa rin ang ‘hari’ ng Barangay na si Mark Caguioa.
Ito ay matapos siyang alukan ng Ginebra ng isang taong kontrata na magsisilbing kanyang ika-17 season sa Gin Kings kung sakali.
Edad 39-anyos, si Caguioa na ang pinakamatagal na manlalaro sa koponan ng Ginebra na kumuha sa kanya bilang third overall pick noong 2001 Philippine Basketball Association (PBA) Annual Rookie Draft.
Subalit hindi pa napipirmahan ni Caguioa ang naturang kontrata dahil hindi pa ito nakakabalik mula sa Holiday break.
Bagama’t pambato ng Ginebra noong kanyang prime days katambal si Jayjay Helterbrand sa ‘Fast and Furious’ tandem, gabay at lider na lang ngayon si ‘The Spark’ sa mga mas batang manlalaro ng koponan.
Nagkasya lamang si Caguioa sa 3.6 puntos sa loob ng 42 na labang nasala-ngan sa nakalipas na taon.
Sa kabila nito, nitong 2018 niya pa rin naabot ang karangalan bilang pinaka-bagong miyembro ng 10,000-point club ng PBA matapos umiskor ng 16 puntos kontra sa NLEX noong Oktubre 5.
Isa sa miyembro ng 40 PBA Greatest Players, makulay ang naging unang 16 taon ni Caguioa sa Gin Kings na kinatampukan ng 12 All Star selections, limang Mythical Team selections at Rookie of the Year award noong 2002.
Tinanghal ding Most Valuable Player ang 6’1 na si Caguiao noong 2012 bukod pa ang tatlong Best Player of the Conference, tatlong scoring champion at dalawang Philippine Sportswriters Association (PSA) Professional Cager of the Year awards.
Ito ay bukod pa sa pitong kampeo-nato sa PBA at ilang international stints para sa Philippine men’s national basketball team.
Sa kanyang buong karera ay nagrehistro ng 13.9 puntos sa 717 na laro sa PBA.
Magugunitang ang ka-tandem at matalik na kaibigan ni Caguioa na si Helterbrand ay nagretiro na noong nakaraang taon.