MANILA, Philippines — Mga Rating Based Handiccaping System ang mga nakahandang karera sa Enero 2 sa pista ng Metro Turf Club sa Malvar, Batangas kung saan halos lahat ng siyam na karerang lalargahan ay mayroong karagdagang mahigit na P200,000 para sa mananalong kabayo.
Tampok sa nasabing pakarera ng Malvar ang magaganap na bakbakan ng mga kabayong Princess Eowyn, Gomper Girl, Haring Bastos, Most Trusted at Cinderella Kid na galing sa impresibong panalo sa nakaraan takbo nito.
Medyo angat sa laban ang kabayong pagmamay-ari ni Don Edong Diokno na Princess Eowyn na galing sa impresibong panalo noong Disyembre 12 sa “4th Mayor Eduardo Duay Calixto Cup” na naganap din sa pista ng Malvar.
Pakakawalan naman sa Race 4 ang sagupaan ng mga kabayong Ava Natalia, Hugo Bozz at Icon, Eugenie, Dinalupihan, Already Feisty at Hidden Light na pare-parehas galing sa mataas na grupo ng mga kabayo.
Isa pang magandang karera na naka-line-up sa nasabing araw ay ang Race 8 kung saan maglalaban ang mga kabayong Lucky Toni, St. Suswa, Senor Lucas, Beacon Street, Happy Maggie, Stay Ready, Kapayapaan at Garantisado sa 1400m distansyang tatakbuhan.
Habang magiging mahirap naman para sa bayang karerista ang magaganap na aksyon sa huling karera dahil labing tatlong numero ang pagpipilian dito kung saan pantay-pantay ang kalidad ng mga nakalinyang kalahok na kabayo.
May dalawang Winner Take All Event, isang Pick-6, Dalawang Pick-5 at isang Pick-4 ang mga Exotic Betting Option na nakahanda at puwedeng tayaan ng mga karerista na siguradong magbibigay ng magagandang Dividendo dahil na rin sa hirap ng karera sa nasabing araw. Vince Nuguid