Biado nag-iisang pinoy sa top 10 ng World Pool list
MANILA, Philippines — Isang Pinoy cue master lamang ang nasa Top 10 ng World Pool-Billiard Association world ranking sa pagtatapos ng taon.
Ito ay si 2017 World 9-Ball champion Carlo Biado na nakuha ang No. 4 spot bunsod ng nakuha niyang 14,912 points.
Nabigyan ng 8,250 points si Biado matapos ang kanyang runner-up finish sa nakaraang 2018 World 9-Ball Championship na ginanap kamakailan sa Doha, Qatar.
Mayroon din siyang 3,050 points mula sa All-Japan Championship, 2,412 points sa China Open at 1,200 points sa US International Open.
Malayo ang sumunod na Pinoy kay Biado.
Nasa ika-28 puwesto lamang si Johann Gonzales Chua na may 6,500 points, habang ika-29 si Jeffrey Ignacio (6,263), ika-30 si Roland Garcia (6,087) at ika-32 si Jeffrey De Luna (5,599).
Ang iba pang Pinoy na nasa Top 100 ranking ay sina Dennis Orcollo (No. 38), James Aranas (No. 72) at Lee Vann Corteza (No. 94).
Nanguna sa listahan si Alexander Kazakis ng Greece na may 17,099 points, habang ikalawa si reigning World 9-Ball titlist Joshua Filler ng Germany na nagrehistro ng 16,762 points at ikatlo si Niels Feijen ng Netherlands na kumolekta naman ng 15,100 points.
Nasa Top 10 sina No. 5 Chang Jung Lin ng Chinese-Taipei (14,716), No. 6 Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei (14,250), No. 7 Shane Van Boening ng Amerika (13,262), No. 8 Fedor Gorst ng Russia (12,001), No. 9 Jayson Shaw ng Great Britain (11,400) at No. 10 Chris Melling ng Great Britain (10,987).
- Latest