MANILA, Philippines — Si NorthPort point guard Stanley Pringle ang sinasabing magiging balakid sa pagkopo ni June Mar Fajardo ng San Miguel ng kanyang record na pang-limang PBA MVP award.
Sa pagtatapos ng 43rd season ay nagposte si Pringle, ang 2015 Rookie of the Year awardee, ng cumulative average na 35.5 points para manguna sa race statistics.
Nasa ilalim niya ang 6-foot-10 na si Fajardo na nagtala ng 33.1 SPs bagama’t nakita lamang sa tatlong laro ng Beermen sa nakaraang 2018 PBA Governor’s Cup bunga ng injury.
Dahil dito ay nakakolekta lamang ang 26-anyos na Cebuano giant ng 10.67 SPs sa nasabing season-ending conference.
Natunghayan naman ang 5’11 na si Pringle sa walong laban ng Batang Pier sa nasabing torneo na pinagharian ng Magnolia Hotshots laban sa Alaska Aces.
Kinuha ni national coach Yeng Guiao si Pringle para sa Team Pilipinas na sumabak sa Asian Games at sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa kanyang walong laro sa PBA Governor’s Cup ay nakapag-ipon ang Fil-Am guard ng 34 SPs na pinakamataas sa hanay ng mga kandidato para sa MVP trophy.
Sa kabila ng kanyang pagiging segunda kay Pringle ay malakas pa rin ang tsansa ni Fajardo na makamit ang pang-lima niyang MVP award bunga ng panalo niya sa Player of the Conference ng 2018 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Bukod kina Pringle at Fajardo, ang iba pang nasa Top Five ng MVP race ay sina swingman Japeth Aguilar (32.3 SPs) ng Barangay Ginebra, Sean Anthony (31.3) ng NorthPort at Matthew Wright (30.0) ng Phoenix.
Nakatakdang gawin ang Leo Awards kung saan ibibigay ang PBA MVP at Rookie of the Year trophy, sa pagbubukas ng 2019 PBA Philippine Cup sa Enero 13 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ang iba pang nasa Top 10 ay sina shooter Marcio Lassiter (29.80), Arwind Santos (29.77) at guard Alex Cabagnot (29.74) ng San Miguel, Scottie Thompson (29.6) ng Ginebra at big man Paul Erram (28.5) ng Blackwater.
Inaasahan namang makokopo ni Phoenix forward Jason Perkins ang PBA Rookie of the Year award.
Bitbit ni Perkins ang 32.2 SPs kasunod si Jeron Teng (18.7) ng Alaska.
Sina 2017 top draft pick Christian Standhardinger ng San Miguel at No. 2 selection Kiefer Ravena ng NLEX ay hindi nakasama sa listahan dahil sa kabiguang makuha ang hinihinging bilang ng kanilang mga inilaro sa season.