MANILA, Philippines — Posibleng mapunta pa rin sa NLEX ang target na big man na si John Paul Erram subalit kinaila-ngan magdagdag si Mike Miranda sa kanilang trade package sa Blackwater.
Ito ay upang makuha na sa wakas ang matamis na ‘oo’ ng Philippine Basketball Association (PBA) na sinopla ang kanilang unang trade proposal.
Sa naunang kasunduan ng dalawang koponan na hindi pumasa sa PBA ay itutulak sana ng Road Warriors ang fourth pick na si Paul Desiderio at seventh pick na si Abu Tratter papuntang Elite.
Dahil hindi ito inaprubahan, idinagdag ng NLEX si Miranda sa ngayon ay three-team trade na kasama ang Talk ‘N Text.
Handa ang KaTropa na ibigay si Papot Paredes at 2021 draft pick sa Blackwater na dadalhin naman si Paredes at si Erram patungong NLEX.
Bilang kapalit, masisikwat ng Elite sina Desiderio at Tratter. Makukuha rin nila si Miranda na ipapalit naman nila sa TNT para sa future second round picks.
Umaasa ang tatlong koponan na maaprubahan na rin ang pinalakas na palitan na ito gaya ng ibang trades na aprubado na ng PBA nitong linggo.
Isa na rito ang pagkuha ng San Miguel kay Terrence Romeo, Paul Zamar at Ronald Tubid sa magkakahiwalay na deals sa TNT, Blackwater at Columbian, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, kinakai-langan munang maghintay ng mga koponan bago mapag-aralan muli ang kanilang bagong trade proposal lalo’t nasa bakasyon na ang PBA hanggang Disyembre 27.