MANILA, Philippines — Hindi lamang Magnolia ang umukit ng kasaysayan sa pagwakas nila sa apat na taong pagkauhaw sa kampeonato kundi gayundin si Mark Barroca nang dispatsahin nila ang Alaska sa Game 6, 102-86, upang angkinin ang 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup kamakalawa ng gabi sa Antipolo.
Sa naturang panalo ay ang 32-anyos na si Barroca ang pinakanagning-ning matapos parangalan bilang Finals Most Valuable Player sa likod ng 11.0 puntos, 3.2 rebounds at 3.2 assists at 1.8 steals na rehistro sa anim na laro.
Bunsod nito, sinamahan ni Barroca sina James Yap (4) at Marc Pingris bilang katangi-tanging multiple Finals MVP winners sa kasaysayan ng Magnolia franchise.
Subalit hindi sinolo ni Barroca ang parangal at sinabi nitong nararapat ding Finals MVP ang kanyang ibang kasangga.
“Nagulat din ako kasi marami ring magaling, andiyan sina Ian Sangalang, Paul Lee at Jio Jalalon. Wala sa isip ko ang Finals MVP,” ani Barroca na siya ring Finals MVP noong 2013 Philippine Cup.
“Nasa isip ko lang, Manalo. At nakuha namin ito. Happy na ako. Nabigyan pa ako ng award, mas happy ako.”
Buhat nang ma-draft bilang fifth overall noong 2011 PBA Rookie Draft, ito na ngayon ang ikaanim na titulo ni Barroca sa kanyang professional career.
Subalit hindi pa aniya tapos dahil hangarin pa niya ang marami pang kasunod.
“Sana makabalik kami. Isang hump pa lang nalagpasan namin so far. Stay hungry and stay humble,” pagtatapos niya.