MANILA, Philippines — Taliwas sa pangamba ng marami na ite-trade lang din ng Columbian ang kanilang top overall pick na si CJ Perez, nabakuran na nila ito agad kahapon, ilang araw lamang matapos ang 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Annual Rookie Draft noong nakaraang Linggo.
Nagkasundo na ang Dyip at ang dating National Collegiate Athletic Association (NCAA) Most Valuable Player (MVP) na si Perez sa maximum rookie contract na tatlong taon bagama’t hindi naidetalye ang ha-laga ng naturang kontrata.
Bunsod nito, sigurado na ang hinaharap ng Columbian na noong nakaraang taon lang ay umani ng sandamakmak na kritisismo at galit mula sa mga PBA fans.
Magugunita kasing noong 2017 PBA Rookie Draft ay ipinamigay ng Columbian (dating Kia) ang kanilang first overall pick sa San Miguel kapalit sina JayR Reyes, Ronald Tubid, RaShawn McCarthy at future first round pick.
Ginamit ng Beermen ang pick na iyon upang sikwatin ang Filipino-German sensation na si Christian Standhardinger.
Sa pagkakataong ito, tinupad ng Columbian ang pangakong hindi ipapamigay ang pick na si Perez na siyang inaasa-han nga nilang magsasalba sa koponang nalunod sa malamyang 6-27 kartada sa katatapos lamang na 2018 PBA Season.
Patunay din na bagong era na sa kampo ng Columbian, inilabas din ng koponan ang bagong berdeng uniform para sa next season kasabay ng pagpapirma sa Bautista, Pangasinan native na si Perez.
Makakasama ng Lyceum of the Philippines University standout na si Perez sa misyong maiangat ang Columbian sa putikan ng iba pang young core na sina McCarthy, Jerramy King, Jonjon Gabriel, Glenn Khobuntin, Eric Camson at Russel Escoto.
Masusubok ang kilatis ng pinakabagong koponan sa pagsisimula ng 2019 PBA Philipline Cup sa Enero 13 kung kailan magde-debut si Perez na isusuot ang kanyang kilalang jersey No. 7.
Kamakalawa lang ay nakapirma na rin ng kontrata ang ibang rookies sa pangunguna ni third overall pick Robert Bolick na nakasiguro ng P4.4 milyong kontrata sa loob ng dalawang taon sa Northport.
Pumirma na rin ng magkahiwalay na tatlong taong kontrata sina sixth pick Javee Mocon at eighth pick Jayjay Alejandro sa Rain or Shine.