MANILA, Philippines – Lumilipad pa ang bandila ng Pilipinas matapos magtala ng dalawang sunod na panalo si reigning champion Carlo Biado para umusad sa Last 16 ng 2018 World 9-Ball Championship sa Al-Attiya Sports Arena sa Al-Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Naitarak ni Biado ang 11-7 panalo laban kay Konrad Juszczyszyn ng Poland sa first round kasunod ang 11-9 pagbomba kay Vitaliy Patsura ng Ukraine sa knockout stage.
Target ni Biado na makahirit ng tiket sa quarterfinals sa pagharap kay dating world champion Wu Jiaqing ng China na namayani kina Japanese bets Tomoya Iima sa first round (11-4) at Toru Kuribayashi sa second round (11-6).
Nakatakda rin ang salpukan nina Robbie Capito ng Hong Kong at Joshua Filler ng Germany, Albin Ouschan ng Austria at Wiktor Zielinski ng Poland, Niels Feijen ng Netherlands at Alexandros Kazakis ng Greece.