MANILA, Philippines – Nagwagi si Woman IM Jan Jodilyn Fronda laban kay WGM Hoang Thi Bao Tram ng Vietnam at tumabla rin si WGM Janelle Mae Frayna kay WFM Dita Karenza ng Indonesia upang umangat sa 11th spot sa 7th Asian Continental Chess Championship (2nd Manny Pacquiao Cup) noong Lunes ng gabi sa Tiara Hotel sa Makati City.
Hindi nagpatinag ang 24-anyos na si Fronda sa mataas na rating ni Hoang, ang reyna sa nakalipas na Vietnam Individual championship noong Abril, at ipinakita niya ang katatagan para makisosyo sa 10-player logjam sa 11th place sa 4.5 points.
Kasama ni Fronda si Frayna, ang highest rated player ng bansa, sa grupo at may pagkakataon pa silang umakyat sa Top 10 sa huling round ng nasabing nine-round tournament.
Kahit man natalo si Fronda kay 13th seed WGM Nguyen Thi Thanh An sa seventh round ay agad bumawi ang 2139 rated Pinay chesser.
Makakaharap ni Fronda si IM Guo Qi ng China sa huling laban, habang magtatagpo naman si Frayna at WGM Nguyen Thi Thanh An ng Vietnam sa ninth round na ginaganap pa habang sinusulat ito.
Nanatili pa rin sa liderato ng women’s division si IM Ruot Padmini ng India matapos tumabla kay IM Pham Le Thao Nguyen ng Vietnam para umangat sa 6.5 points at pumapangalawa rin si WGM Gong Qianyun ng Singapore na may 6 points.
Tinalo ni Qianyun si WGM Wang Jue ng China sa 8th round.
Sa men’s division, tinalo ni IM Paulo Bersamina ang kababayang si John Merill Jacutina upang makisosyo sa 14-player logjam sa 17th spot kasama sina GM John Paul Gomez at IM Ricky de Guzman sa parehong 4.5 points.
Tumabla si Gomez kay GM Ehsan Ghaem Maghami ng Iran, habang si De Guzman ay nakakuha rin ng draw laban kay IM Xu Yi ng China.