Lady Mischief wagi sa Juvenile Championships

CEBU, Philippines –Panalo sa “Philtobo-Philracom Juvenile Championship Race” ang kabayong Lady Mischief na ni­­rendahan ni jockey KB Abobo sa naganap na ka­rera noong Linggo sa pista ng Sta Ana Park Saddle and Clubs sa bayan ng Naic, Cavite.

Pagbukas palang ng aparato ay wala nang pinaporma sa nasabing karera ang Lady Mischief nang kunin nito ang bandera kasunod ang segunda liyamadong Full of Grace na ginabayan naman ni jockey Mark Alvarez.

Naging two horse race ang senaryo nang mag­laban ang dalawang bigating kabayo dahil sa pagkakaiwan sa aparato ng kabayong Cinderella King na nasegundo sa “3rd Leg Juvenile Colts Stakes Race” noong Nobyembre 18.

Pagdating sa rektahan ay bandera pa rin ng tatlong katawang agwat ang Lady Mischief laban sa nagpaparemateng Full of Grace pero nakabuo na nga ng ayre ang una kaya matagumpay nitong tina­pos ang nasabing karera.

Tumataginting na P1,800,000 ang naiuwi ng na­sabing tambalan para sa paunang premyo, habang P675,000 naman ang napanalunan ng nase­gundong kabayo na Full of Grace.

Nagbigay pa sa Forecast ng dibidendong P10.50 para sa nanalong kumbinasyon na 3-4, habang halagang P8.60 naman ang naging dibidendo sa Trifecta para sa nanalong kumbinasyon na 3-4-5.

Halagang P74.50 naman ang ibinigay sa Daily Double kabit sa kabayong Primero de Marzo na na­nalo sa Race 8 para sa kumbinasyong 3-3.

Samantala, malaki naman ang ibinigay na pa­ta­ma sa Extra Double Event dahil kumabit ang de­hadong kabayo na Great Britain na nanalo sa Race 7 at nagbigay ng dibidendong  P265.50 sa kada isang ticket para sa nanalong kumbinasyon na 4-3.

 

Show comments