MANILA, Philippines — Patuloy ang pagragasa ng 17-anyos na si Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy matapos makipag-draw kay Woman IM Dewi Ardhiano Anastasia Citra ng Indonesia sa fifth round ng women’s division ng 7th Asian Continental Chess Championship (2nd Manny Pacquiao Cup) noong Biyernes ng gabi sa Tiara Hotel sa Makati City.
Sa kanyang draw laban sa No. 18 na si Citra, may 2215 rating, ay nanatili ang tubong Agusan del Sur sa Top 10.
Ang NU standout na si Doroy ay nakakuha ng tatlong puntos para makisosyo sa anim sa 10th spot sa likuran ng nangungunang si IM Ruot Padmin ng India na tangan ang 4.5 puntos kasunod si Woman GM Gong Qianyun ng China na may 4 puntos.
Pito pang women players ang nagtabla mula sa ikatlo hanggang pang-siyam na puwesto sa parehong 3.5 puntos kabilang na si IM Pham Le Thao Nguyen ng Vietnam.
Lalong lumakas ang tiwala ni Doroy na hawak ang mas mababang 1972 rating sa pagharap niya kay 16th seed WIM Gu Tianlu ng China sa sixth round kagabi.
Ang ibang panalo ni Doroy ay mula kina Olympiad veteran WIM Catherine Secopito (2145) at No. 2 seed IM Gulishkan Nakhbayeva ng Kazakhstan (2371), samantalang tumabla naman siya kina Citra (2215) at WFM LI Yunshan ng China (2196).