MANILA, Philippines — Ramdam na ni CJ Perez ang mabigat na pressure bilang nakatakdang top overall pick subalit ipinangako niya ang kahandaan sakaling mapopormalisa nga ito sa papalapit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Annual Rookie Draft sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Makailang ulit nang nagpahiwatig ang Columbian Dyip na si Perez nga ang kanilang asinta sa first overall pick bunsod ng ipinamalas nito sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).
“Given ‘yung pressure eh, ‘yung expectation rin ang nakaka-pressure. Siyempre naman, pag nasa top ka, nasa top rin laro mo. Malaking pressure pero kailangang paghandaan talaga,” sabi ng 24-anyos na si Perez. “Nakaka-pressure talaga maging first pick. Pero tatanggapin ko ito as a challenge. Handa ako.”
Dating Most Valuable Player ng NCAA si Perez at nagabayan ang Ly-ceum sa dalawnag sunod na Finals kaya’t matunog bilang first overall pick ngayong draft na pagbibidahan din nina Bobby Ray Parks Jr at ng kanyang karibal sa NCAA na si Robert Bolick ng San Beda.
Higit sa pressure, mas nananaig aniya kay Perez ang kasabikan lalo’t matutupad na niya sa wakas ang pangarap na makapasok sa PBA bilang isang dating nangangarap lamang na bata mula sa Bautista, Pangasinan.
“I’m excited. Dream come true iyon,” dagdag niya.
Sakali ngang Columbian ang pumili sa kanya bilang top overall pick, ipina-ngako ni Perez ang kanyang buong puso upang maabot ang inaasahan sa kanya ng koponan bilang franchise player na mag-aangat sa kanila sa wakas mula sa ibaba ng PBA.
“Mai-offer ko siguro ‘yung hardwork at effort ko sa team na pupuntahan ko. ‘Yung winning culture siguro from NCAA,” saad niya.